Friday, August 10, 2012

Republikang Basahan

Si Teodoro A. Agoncillo (1912 – 1985) ay kinilala dahil sa kontribusyon niya sa pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas. Nakapagsulat siya ng mahigit na 20 aklat at mga artikulo ukol sa kasaysayan ng Pilipinas. Siya ay hinirang bilang isa sa Ten Outstanding Young Men (TOYM), ng Junior Chamber of the Philippines noong 1963 at Distinguished Scholar of the University of the Philippines noong 1968.

Teodoro ang tunay na pangalan, ngunit kilala sa katawagang Teddy o Ago ng mga kaibigan. Ipinanganak siya noong Nobyembre 9, 1912. Ang kanyang magulang ay sina Pedro Medina Agoncillo (ng Taal, Batangas) at Feliza Zaraspe Adan (ng Lemery, Batangas). Lumaki sa Intramuros, Maynila, at nakapagtapos ng kanyang doctorate degree (Ph. B.M.A.) noong 1934 at Philosophy (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagawaran din siya ng Doctors of Letters, Honoris Causa, mula sa University of Central Philippines, taong 1969.

Ang kanyang mga aklat na isinulat mula sa pananaw ng isang Pilipino para sa mga Pilipino ang pinakamagandang pamana ni Teddy sa bansang Pilipinas. Ilan sa kanyang mga libro ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasaysayan ng Pilipinas
2. The Revolt of the Masses
3. The Story of Bonifacio and the Katipunan
4. Malolos, the Crisis of the Republic
5. Philippine History (adopted as official textbook of Primary, Secondary and Teritary Education in the Philippines)
6. The History of the Filipino People


REPUBLIKANG BASAHAN
ni Teodoro A. Agoncillo
16 pantig bawat taludtod 
  

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala'y busilak ng kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo'y nakasusi,
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?

Ang buhay mo'y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi't angkan, sa bayan mong dumaraing!

Kalayaan! Republika! Ang bayani'y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo't pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitaya'n ikaw'y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan - ito pala'y mayron na ring tinutubo
Sa puhunang dila't laway, at hindi sa luha't dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi't gawa.

Republika na nga itong and sa inyo'y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!

Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha'y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Ksarinlan! Republika! Kayo baga'y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa'y tabla na rin ng kabaong?

Repblika! Kasarinlan! Mandi'y hindi nadarama,
Ang paglaya'y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Ang paglaya'y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.

Ang paglaya'y isang tining ng nagsamang dugo't luha,
Sa saro ng kagitinga'y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!

No comments: